Pinalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga tatakbo sa 2022 elections na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagdaraos ng political rallies.
Sa gitna ito ng posibleng banta ng panibagong Omicron COVID-19 variant kahit na hindi pa ito nakakapasok sa ngayon sa bansa.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ang mga special gathering pa lamang ang pinapayagan at ito ay kung sakaling aprubado ng mga lokal na pamahalaan.
Iginiit din ng kalihim na hindi pa tayo dapat makampante dahil pinangangambahang maging potensyal na super spreaders ang political rallies lalo na’t hindi na maiiwasang makapasok sa bansa ang Omicron variant.
Samantala, sinabi pa ni Año na pwede naman ang pagdaraos ng mga caravan at motorcades dahil mas nasisiguro dito na nasusunod ang physical distancing.