Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon na lang hanggang sa Lunes, February 15 ang mga Local Government Units (LGUs) upang makasunod sa Road Clearing Operations 2.0.
Ginawa ni DILG Officer-in-Charge at Undersecretary Bernardo Florece Jr., ang paalala matapos makipagpulong sa Task Force Road Clearing na kinabibilangan ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Council (MMC) at Philippine National Police (PNP).
Itinakda naman ang gagawing validation simula February 16 hanggang March 2.
Ani Florece, sa harap ng nakatakdang pagroll-out ng COVID-19 vaccination, inaasahang magiging malinis sa anumang sagabal ang mga kalsada na daraanan ng mga sasakyan patungo sa mga vaccination sites.
Tiniyakin ng DILG na magiging patas ang gagawing road-clearing validation upang maaksyunan agad ang anumang pagkukulang ng mga LGUs.
Inatasan ni Florece ang mga Regional directors na ilipat sa ibang lugar ang mga validation team upang maiwasan ang posibleng pagpabor sa pinanggalingan nitong LGUs.