Nakukulangan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa aksyon na ginawa ng Meta sa mga Facebook (FB) ng mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, Spokesperson ng DILG at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC), bagama’t Ibinalik na ang mga page ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang na ang NTF-ELCAC, marami pang dapat aksyunan ang Meta.
Kasunod na rin ito ng mga paghahain ng reklamo ng mga ito sa ipinatutupad na community standards.
Ayon kay Usec. Malaya, bagama’t ibinalik na ng Meta ang mga posts, dapat pa ring mapag-ukulan ng kaukulang aksyon ang isyu ng impartiality at integrity ng naturang social networking site, partikular ang ginagawa nitong censorship at fact-checking.
Giit ni Malaya, dapat umanong mayroong comprehensive brief sa kung anong metric ang ginagamit sa algorithm na nagti- trigger ng automated blocking, warning o flagging.
Dapat aniyang ilinaw ng Meta kung ano ang maituturing na “technical irregularity”.
Dagdag ni Malaya, karapatan ng publiko na malaman kung sino sino ang mga “independent” fact checkers at kung hanggang saan ang kanilang impluwensya sa algorithms na kumokontrol sa system.