Maituturing na good choice para kay Department of the Interior and Local Government Usec. Epimaco Densing ang ginawang pagpili ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Benhur Abalos na mamumuno na ngayon sa DILG.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Densing na madaming accomplishments si Abalos at alam na alam na nito ang pagpapatakbo sa DILG.
Ani Densing, ilang termino ring nanungkulan si Abalos bilang alkalde ng Mandaluyong at naging chairman pa ng MMDA kung kaya’t gamay na nito ang pamamalakad sa DILG.
Kasunod nito, kinakailangan lamang nilang i-update si incoming DILG Chief Abalos hinggil sa mga programang nakalatag na o naumpisahan na sa ahensya.
Na kay Abalos na aniya ang desisyon kung nais niya itong ipagpatuloy o maglalatag ng mga bagong programa sa kagawaran.
Pero kung si Densing ang tatanungin, nais sana niyang ituloy ng papasok na administrasyon ang war on drugs na naumpisahan ng Duterte administration.