Pinaalalahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na hindi dapat hinahanapan ng voter’s ID ang kanilang mga residente para makatanggap ng COVID-19 vaccine at sa pag-avail ng ayudang pinansyal.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang kawalan ng voter’s ID ay hindi nangangahulugan na second-class citizen ang sinuman.
Isa aniya itong uri ng diskriminasyon at nawawalan ng pagkakataon ang mga residente na makatanggap ng essential services.
Ani Malaya, maliban sa voter’s ID, may iba pang katunayan na ang indibidwal ay residente ng isang lokalidad katulad ng Philippine passport, employment ID, at PhilHealth ID.
Ang mga ito aniya ay sapat na para makapag-avail ng medical services, financial assistance at sa pagpaparehistro sa vaccination program.