DILG, pinagsusumite ang mga LGU ng kanilang anti-drug plan of action para sa paglulunsad ng pinalakas na BIDA Program

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na magsumite ng kanilang anti-drug plan of action alinsunod sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan.

Ginawa ni Secretary Benhur Abalos ang kautusan ilang araw bago ang paglulunsad ng flagship campaign nito na Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o BIDA Program.

Giit ni Abalos, tutok ng BIDA Program na himukin ang pakikiisa ng lahat sa laban sa iligal na droga hanggang sa grassroots level.


Nais makita ng kalihim na nakapaloob sa mga budget o gastusin ng mga Local Government Unit (LGU) ang mga gagawing action plan para sa inisyatiba na magtitiyak na may ngipin ang kampanya sa droga sa kanayunan.

Sa pamamagitan aniya nito ay makatutulong ang mga ito sa implementasyon ng BIDA Program na may layong palakasin ang anti-drug advocacy campaign ng gobyerno.

Partikular aniya rito ang pagputol sa drug demand sa mga komunidad.

Nais din makita ni Abalos kung may mahusay at gumaganang partnership ang mga LGU sa national government agencies, private sectors, mga faith-based organization at mga civil society organization sa kampanya kontra-droga.

Facebook Comments