Pinaiimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkamatay ng isang lalaki sa General Trias, Cavite sa kamay ng mga pulis.
Lumalabas na nasawi ang biktimang si Darren Peñaredondo matapos utusan ng mga pulis na mag-pumping nang 300 beses bilang parusa matapos itong mahuling lumabag sa curfew.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, nakipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police at lokal na pamahalaan ng General Trias upang imbestigahan kung may naging paglabag ang kapulisan.
Napag-alaman din na mayroong sakit sa puso ang biktima at matapos ang pinagawa sa kaniya ay nagsimula na itong mag-seizure dahilan upang isugod sa ospital kung saan siya nasawi.
Pagtitiyak naman ni Malaya, sakaling mapatunayan na may irregularidad sa panig ng mga pulis ay mahaharap ito sa kaukulang parusa.