Pinapurihan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dino ang mga tauhan ng Department of Health (DOH) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa ginawa nilang hakbang para maiuwi sa bansa ang mga Overseas Filipino Workers o OFWs mula Wuhan City, China.
Ayon kay Dino sa pagdalo nito sa balitaan sa Maynila, isang malaking hamon ang ginawa ng mga taga-DOH at DFA kung saan nagmistula raw silang mga rescuer para makabalik sa bansa ang nasa 30 OFWs kung saan hindi sila nagdalawang isip na gawin ang misyon.
Matatandaan na kasalukuyang naka-quarantine sa New Clark City ang mga OFWs maging ang mga tauhan ng DFA, DOH, mga piloto at mga cabin crew na sumundo sa mga ito.
Sa isyu naman ng pag-alma ng alkalde ng Capas, sinabi ni Dino na nirerespeto niya ang mga naging pahayag nito pero sana ay huwag na raw palakihin pa ang isyu.
Pero kailangan daw na maintindihan ni Capas Mayor Reynaldo Catacutan na desisyon ito ng national government lalo na’t kailangan ng tulong ng mga OFWs at kapakanan ng bansa ang nakasalalay.
Umaasa rin si Dino na magkakaroon ng pag-uusap ang DILG at ang lokal na pamahalaan ng Capas para maging maayos ang lahat at matutukan ang mga OFWs na kasalukuyang naka-quarantine