Inihayag ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat tiyakin ng mga Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila na maipapatupad ang 60-day price ceiling sa karneng baboy at manok sa mga pamilihan.
Ito’y matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) No. 124 upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng baboy at manok sa National Capital Region (NCR).
Inatasan na ni DILG Officer-in-Charge na si Undersecretary Bernardo Florece Jr., ang mga LGUs na kailangang maipatupad ang kautusan bilang tugon sa karaingan ng publiko na lubha ng naapektuhan sa mataas na presyo sa gitna ng pandemya.
Bagama’t epektibo lang sa Metro Manila ang price ceiling, hinimok din ng DILG ang LGUs sa mga lalawigan na buhayin ang kanilang Local Price Coordinating Council upang mamonitor din ang presyo ng bilihin sa kanilang lugar.
Pinababantayan din ng DILG ang mga pribado at pampublikong pamilihan hanggang sa mga talipapa sa mga barangay upang maiwasan ang pagsasamantala ng mga negosyante.