Pagtutugmain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga ordinansa ng mga Local Government Unit (LGU) para mapaigting ang mga operasyon laban sa mga lumalabag sa quarantine protocols, partikular sa pagsusuot ng face masks.
Ito ay kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang sinumang hindi tama ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, kakausapin nila ang mga LGU at PNP para i-harmonize o i-reconcile ang utos ni Pangulong Duterte at mga oridinansa.
Aalamin din ang mga parameters ng kautusan ng Pangulo.
Sinabi ni Malaya na iba’t ibang sanctions laban sa mga lumalabag sa face mask regulations ang ipinatutupad ng iba’t ibang LGUs sa bansa.
Ang DILG ay makikipag-coordinate sa LGUs at PNP para bumuo ng guidelines para matiyak na maayos na ipatutupad ang kautusan ng Pangulo at hindi ito maabuso ng pulisya.