Binigyang-diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na hindi labag sa umiiral na rules and regulations ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang apela sa lahat ng police colonel at generals na maghain ng courtesy resignation.
Ayon kay Abalos, ito ay panawagan lamang o boluntaryong resignation at hindi direktiba.
Paliwanag pa ng kalihim na hindi ito ang unang beses kung saan pinaghain ang lahat ng opisyal ng PNP ng courtesy resignation.
Aniya, nangyari na rin ito noong 1992 noong panahon ng yumaong Presidenteng Fidel V. Ramos pero sa ibang usapin.
Giit pa ni Abalos na ang courtesy resignation ng mga opisyal ng PNP ay para magkaroon ng “fresh start” sa kanilang organisasyon makaraang lumabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na mayroong mga matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya ang dawit o sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.