Nanindigan si Interior Secretary Eduardo Año na bawal ang angkas sa motorsiklo sa gitna ng umiiral na General Community Quarantine (GCQ) kung saan limitado pa rin ang mass transport vehicles.
Sa press briefing ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ini-ere kaninang umaga, binanggit ni Senator Christopher “Bong” Go ang posibilidad na payagan ang back-riding sa mga mag-asawa gayundin sa iba pang magkasama naman sa iisang bahay.
Pero giit ni Año, hindi maipatutupad ang physical distancing sa back-riding na aniya’y labag sa health protocols ng Department of Health (DOH).
Mas dapat nga aniyang mag-ingat ang mag-asawa dahil malalagay din sa panganib ang iba pa nilang kasama sa bahay kung pareho silang tatamaan ng sakit.
Dagdag pa ng kalihim, walang pinipili ang virus at hindi naman convenience ang pinag-uusapan kundi ang posibleng panganib nito sa kalusugan.
Ayon pa kay Año, hangga’t hindi naze-zero ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi nila papayagan ang pag-a-angkas.