DILG, sineseryoso ang anumang pagtatangkang ipahiya o guluhin ang inagurasyon ni BBM

Sineseryoso ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang intelligence report kaugnay sa umano’y plano ng Communist Party of the Philippines at mga kaalyado nito na ipahiya o siraan ang papasok na administrasyon.

Ginawa ni DILG Undersecretary at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Jonathan Malaya ang pahayag matapos ibinunyag ng mga dating kadre ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na plano nilang guluhin ang oath taking ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Hunyo 30.

Nauna rito, ipinahayag ng mga dating rebeldeng sina Orlando “Ka Warly” Baluyot, na ngayon ay chairman ng Tinang Samahang Nayon Multi-Purpose Cooperative at si Ka Pong Sibayan, isang magsasaka mula sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac na ang radikal na kaliwa ay nagsimulang mag-organisa ng mga magsasaka sa kanilang lalawigan para sa layuning ito.


Anila, bukod sa Hacienda Tinang ay nakikipagpulong din ang mga opisyal at miyembro ng front organizations ng CPP-NPA-NDF sa mga magsasaka mula sa kalapit na Hacienda Murcia at Barangay Central sa loob ng Hacienda Luisita.

Dagdag ni Malaya, gagawin nila ang lahat para hadlangan ang anumang pagtatangka ng teroristang grupo.

Facebook Comments