Isa pa lamang mula sa 13 local officials ang nakapagsumite ng paliwanag sa Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa umano’y ‘pagsingit’ nila sa COVID-19 vaccination program.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing, si Legaspi City, Albay Mayor Noel Rosal pa lamang ang nakatugon sa ipinadala nilang show-cause order.
Bukod sa 11 alkalde, isang gobernador at isang konsehal, may mga natatanggap pa silang sumbong at mga larawan ng mga opisyal na nakapagpabakuna na rin gaya ng mga kapitan.
Pero aniya, bina-validate pa nila ang nasabing ulat.
Samantala, hindi tinanggap ng DILG ang paliwanag ng aktor na si Mark Anthony Fernandez na nauna na ring nagpabakuna dahil sa aniya’y hindi pagsipot ng ilan sa mga nasa priority list.
Giit ni Densing, hindi valid excuse na bahagi ng quick substitute list ni Fernandez at kahit saang anggulo tingnan, “legally and morally wrong” ang kanyang ginawa.
Pinagpapaliwanag na rin ng DILG si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez dahil sa pagpayag nitong mabakunahan ang aktor.