Suportado ng Department of Interior and Local Government o DILG ang hindi pagrekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ng pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Ito ang inilabas na press statement ni DILG Secretary Eduardo Año matapos ang konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon ng Mindanao.
Sinabi ng kalihim na nagkaroon na ng maayos na sitwasyon ang peace and order sa rehiyon sa nakalipas na dalawang taon mula ng ideklara ito ni Pangulong Duterte noong 2017.
Una dito, mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang naunang nagpahayag na hindi na kailangan pang palawigin ang martial law sa Mindanao dahil kontrolado na ng pwersa ng pamahalaan ang kapayapaan sa rehiyon.
Matatandaang idineklara ng Pangulo ang batas militar doon matapos sakupin ng grupong ISIS ang Marawi City na nagresulta ng mahabang giyera doon.