DINAGSA | Pagtanggap ng aplikasyon sa prangkisa ng Uber at Grab, dagsa sa tanggapan ng LTFRB

Manila, Philippines – Nagsimula nang tumanggap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng aplikasyon sa pagkakaloob ng prangkisa sa Uber at Grab drivers.

Ala-sais pa lang kaninang umaga ay mahaba na ang pila ng mga drayber para makauna sa proseso.

Ayon kay LTFRB board member Atty. Aileen Lizada, hindi pwede ang walk-in application.


Prayoridad na tatanggapin ng ahensya ang mga nasa inihandang masterlist ng Uber at Grab.

Bago dumating sa LTFRB, bitbit na ng applicants ang requirements dahil naabisuhan na sila ng TNCs.

Kabilang sa mga kailangan ipasa ay ang 4 na kopya ng verified application form, operator data sheet, OR/CR, proof of Filipino citizenship at valid government I.D.
Matapos magpasa ng mga dokumento ay hihingan sila ng processing fee na 820 pesos kung saan kasama na ang bayad para sa inspeksyon ng mga sasakyan.

Pababalikin naman sila ng 10 araw para mabigyan ng schedule ng hearing kung saan kailangan muli magsumite ng karagdagang dokumento tulad ng proof of garage, income tax return at iba pa.

Mabibigyan naman ng provisional authority at stickers ang mga TNVS habang pinoproseso ang prangkisa magiging valid hanggang 2 taon.

Sa kabuuan, sa pagtaya ni Lizada, nasa hanggang dalawang buwan ang prosesong pagdadaan ng TNVS drivers para mabigyan ng prangkisa.

Nilinaw naman ni Lizada na bagama’t pinapayagan na nila na magpasa ng application ang mga naka-lease na mga sasakyan, ay hindi pa sila prayoridad ng ahensya.

Upang mapabilis ang proseso, walang lunch break ang mga empleyado ng LTFRB na tatanggap ng applications at bukas hanggang Sabado ang opisina nila.
Ayon kay Lizada, nasa 65,000 na TNVS ang bibigyan nila ng prangkisa para sa mga mamamasada sa Metro Manila.

Facebook Comments