Papayagan na ang dine-in operations sa mga restaurant sa mga lugar na nakasailalim sa General Community Quarantine (GCQ), simula sa Lunes, June 15, 2020.
Ito ang inihayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang kanilang proposal na payagan ang gradual opening ng mga restaurant sa GCQ areas.
Ayon kay Lopez, sa gradual opening ng mga restaurant, 30% lamang ng kanilang operating capacity ang pinapayagan.
Giit ng DTI, kailangan na talagang pahintulutan ang dine-in services dahil makakatulong ito sa mga negosyo at sa mga manggagawa sa dining industry.
Bukod rito, isa na rin aniya itong paghahanda sa inaasahang pagpapaluwag pa ng quarantine measures sa Metro Manila at kaparehong areas mula GCQ patungong Modified GCQ.