Manila, Philippines – Pinal nang pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon nito na nagbasura sa petisyon ni Senador Leila de Lima na kumukwestiyon sa findings of probable cause ng Muntinlupa Regional Trial Court
May kaugnayan ito sa kanyang kasong may kinalaman sa Bilibid drug trade na isinampa ng Department of Justice at sa ipinalabas ng hukuman na arrest warrant laban sa kanya.
Binasura ng Korte Suprema ang motion for reconsideration ni de Lima dahil sa kabiguan na magprisinta ng mga bagong argumento.
Ayon sa Korte Suprema, natalakay na nila sa kanilang desisyon noong October 10, 2017 ang mga argumento na inilahad ni De Lima sa kanyang apela.
Dahil dito, iniutos na rin ng Korte Suprema ang entry of judgment sa kaso.
Tinukoy ng Korte Suprema na hindi malilipat sa Sandiganbayan ang exclusive original jurisdiction kaugnay ng mga paglabag sa RA 9165 kahit pa ang akusado ay umookupa ng mataas na posisyon sa gobyerno.