Manila, Philippines – Ikinokonsidera ngayon ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. ang paghahain ng kaso sa Korte Suprema laban kay Budget Sec. Benjamin diokno.
Ito ay kung mabibigo ang kalihim na ipatupad ang salary hike ng mga sundalo, pulis, guro sa pampublikong paaralan at iba pang civilian employees sa Enero a-kinse (January 15).
Ayon kay Andaya, gumagamit na si Diokno ng “scare tactic” para apurahin ang dalawang kapulungan ng kongreso na aprubahan ang 2019 proposed national budget.
Apela ng mambabatas kay Diokno, huwag gawing excuse ang reenacted budget para hindi ipatupad ang dagdag sahod.
Kung tutuusin nga raw, naipatupad ang unang round ng salary increase para sa mga uniformed personnel noong 2018 kahit walang specific budget para rito sa budget proposal noong nakaraang taon.
Lalong may spending authority nga aniya ngayon ang DBM nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang joint resolution no.3 na nagpapalawig sa bisa ng 2018 budget kaya may sapat na paraan ang ahensya para isulong ang salary increase.
Gayunman, iginiit ni Andaya na handa siyang makipagpulong kay Diokno hinggil sa naturang usapin.