Hindi na masikmura ng mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (PNP-CIDG-NCR) ang ginawang pagmumura sa kanila ni PMGen. Arthur Bisnar ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development o DHRDD kaya inireklamo nila ito.
Ayon kay PCol. Glenn Silvio ang hepe ng CIDG-NCR, na naipaabot na nila kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos ang insidente noong umaga ng Lunes sa harap mismo ng kanilang opisina.
Dumating si Gen. Bisnar sakay ng kaniyang puting Lexus na may plakang XCR 202 at iniharang sa gate.
Agad nitong pinagmumura ang lobby duty officer na si PCpl. Gilbert Lim at hinanap ang kaniyang mga opisyal.
Maging si Patrol Dan Lexter Salazar na nakasuot ng bracelet ay pinagmumura din at gustong ipakain sa kaniya ang kaniyang bracelet.
Pagdating daw ni Col. Silvio ay siya naman ang pinagmumura dahil bakit daw hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggal ang pinaalis na gate ng kanilang opisina.
Bukod sa insidenteng ito, nalaman din nila na maraming iba pang pulis sa Camp Crame ang nakaranas sa “erratic behavior” ni Gen Bisnar.
Dahil dito ay humihingi sila ng kaukulang imbestigasyon sa pagiging “conduct unbecoming of an officer and gentleman” ng heneral.