Ang ginanap na Directors and Partnerships Night ay bahagi pa rin sa mga nakahanay na programa sa kasalukuyang Dos RISE o Regional Invitational Sporting Events ng Deped Region 2 dito sa Lungsod ng Cauayan.
Pinangunahan pa rin ito ni Cauayan City Mayor Bernard Dy na nagbigay ng words of inspirations kasama si City Councilor at Mayoralty Candidate Caesar “Jaycee” Dy Jr. na nagbigay naman ng pasasalamat.
Ayon kay Maam Romana Villegas, school head ng San Antonio Annex School at member ng Cauayan Voices, mahalaga aniya na magkaroon ng pagtitipon ang lahat ng mga opisyal ng Deped mula sa iba’t ibang dibisyon dito sa Lambak ng Cagayan upang sa ganon ay mas lalo pa nilang makilala ang bawat isa at maipakita ang kanilang mga talento sa pamamagitan ng pagsayaw at pag-awit.
Layunin din aniya ng naturang aktibidad na iparamdam ang mainit na pag welcome ng Lungsod ng Cauayan sa lahat ng mga bisita o koponan mula sa ibang lugar.
Ikinagagalak naman ni Maam Villegas ang pagtutuloy ngayon ng DOS RISE para maipagpatuloy at mapanatili rin ng mga atletang mag-aaral ang kanilang mga kakayahan at husay sa larangan ng palakasan.
Ibinahagi rin ng School Head na importante aniya sa isang Palaro ang pagkakaroon ng disiplina, endurance o tiyaga at kanya pang sinabi na kinakailangan aniya na dapat pag igihan ang pag eensayo bago sumabak sa palaro.
Sa pagtatapos ng Directors and Partnerships Night ay nagkaroon ng dance and singing presentation ang bawat SDO na siya namang nagbigay buhay sa naturang aktibidad.
Naroon din ang presensya ng kapulisan sa loob at labas ng Coliseum para magbantay at magbigay seguridad sa mga taong dumalo sa nasabing aktibidad.
Samantala, isasagawa rin mamayang alas sais ng gabi sa FLDY Coliseum ang Ms. DepEd Dos RISE 2022.