Manila, Philippines – Hindi kawalan sa gobyerno kung kinansela nina NDF negotiators Luis Jalandoni at Coni Ledesma ang kanilang balak na pag-uwi sa Pilipinas para makipagusap sa pangulong Duterte.
Ito ang direktang sinabi ni DND Sec Delfin Lorenzana sa pahayag ni CPP Founding Chair Jose Maria Sison matapos kanselahin ng dalawa ang kanilang pag-uwi dahil umano sa mga banta mula sa mga armadong “minions” ng Pangulo.
Binigyan diin ni Lorenza na ang mga komunista ang desperado na matuloy ang usapang pangkapayapaan dahil libo-libo na sa kanilang mga miyembro ang nagbalik loob sa pamahalaan.
Ayon pa kay Lorenzana ang pagkalagas ng pwersa ng mga komunista ay dahil sa tagumpay ng localized peace talks at E-clip program ng gobyerno.
Buwelta rin si Lorenzana sa ginawang pagtukoy ni Sison sa AFP at PNP bilang mga “minions” ng Pangulo, na aniya ay isang mapang-alipustang termino na nakakainsulto sa Pangulo, sa mga sundalo at mga pulis.
Ayon kay Lorenzana, ipinapakita lang ni Sison ang kanyang kawalan ng respeto sa Pangulo sa kabila ng kanyang paghahayag ng pagnanais na makipag-usap.
Dahil aniya sa pang-iinsulto ni Sison, lalu lang aniyang pursigido ang militar at PNP na hadlangang ang anumang pakikipagusap ng NDF sa pamahalaan.