Hindi pinansin ng militar ang utos ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chair Jose Maria Sison sa New People’s Army o NPA na maglunsad ng opensiba simula Mayo a-1 laban sa tropa ng pamahalaan sa harap ng sitwasyon ng bansa dahil sa COVID-19.
Ayon kay Southern Luzon Command Commander Lt. Gen. Antonio Parlade na wala rin namang nagbago sa sitwasyon kumpara sa panahon na nagdeklara ng ceasefire ang NPA.
Maaring hindi alam ni Sison na nauubusan na ng armas at supply ang mga NPA dahil sa sunod-sunod na pagka-rekober ng mga tropa ng mga high powered firearms ng NPA kamakailan lang sa Brgy. Manoot, Rizal, Occidental Mindoro, Brgy. McArthur, Monreal, Masbate at San Fernando, Masbate.
Sinabi pa ni Parlader na batay sa mga sumbong ng mga residente ng Gloria, Oriental Mindoro kung saan nahuli ang isang NPA member noong Abril a-17, pinupwersa ng NPA ang mga residente sa lugar na partehan sila ng mga tinatanggap na relief goods.
Tumutugma aniya ito sa isinumbong rin ng isang rebel returnee na halos wala nang makain ang mga NPA sa bundok, at dumadaing na wala naman silang natatanggap mula kay Sison kundi puro utos.
Kaya nanawagan muli si Parlade sa mga NPA na makipagtulungan nalang sa panahon na umiiral ang krisis sa COVID-19, at magbalik loob na sa gobyerno.