Hinimok ni Senator Grace Poe ang Inter-Agency Task Force (IATF) na balikan ang direktiba ukol sa pagsusuot ng anti-virus mask ng mga magkakapamilya kahit sa loob ng kanilang sariling sasakyan.
Kasunod ito ng paglilinaw ng ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Health (DOH) sa ilang guidelines kaugnay sa desisyong ito.
Ayon kay Poe, maituturing na katawa-tawa at walang kabuluhan ang naisip na ito ng IATF.
Paliwanag kasi ng senadora, ang sariling sasakyan ay extension na rin ng bahay at hangga’t walang ibang sasakay dito ay maituturing na itong ‘private bubble.’
Diin pa ng senadora, ang mandatory na pagsusuot ng mask ay dapat lang sa mga pampublikong sasakyan o carpooling.
Sa ngayon, tiniyak ni Poe na uusisain niya ang isyu sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Public Services sa ika-9 ng Pebrero.