Pinuri ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pamahalaang lokal ng Muntinlupa sa ginawa nitong disaster risk effort laban sa Super Typhoon Rolly.
Ayon kay Tugade, napag-alaman niya na dalawang araw bago tumama sa lupa ng Luzon ang bagyo ay nakapaghanda na ang pamahalaang lungsod.
Maliban dito, maayos din aniya na naipatupad ang health protocols tulad ng pagsuot ng face mask at face shield sa mga evacuee.
Nasunod din aniya ang social distancing sa mga evacuation center sa kabila ng mahigit 100 pamilya ang inililikas noong kasagsagan ng bagyo.
Matatandaan na umabot ng 2,012 na pamilya ang nailikas mula sa low-lying areas at nakatira sa kahabaan ng Laguna de Bay batay sa tala ng Muntinlupa City Department of Disaster Risk Resilience and Management.
Si Tugade ay itinalaga ng national government bilang “Big Brother” upang maging katuwang ng lungsod sa paglaban kontra COVID-19.