Naglabas ng opisyal na pahayag ang Commission on Elections o COMELEC kaugnay sa isinampang disbarment case ng isang kandidatong tumakbo bilang alkalde ng Mapandan, Pangasinan, kahapon, Pebrero 24, 2026.
Ayon sa COMELEC, kinikilala nila ang kasong inihain ni Jaime Gutierrez Aquino sa Korte Suprema laban sa anim sa pitong miyembro ng komisyon, na nag-ugat sa pagkakabasura ng kanyang petisyon para sa diskwalipikasyon ng isang kandidato sa nakaraang halalan.
Ipinaliwanag ng COMELEC na ang reklamo ni Aquino ay unang tinanggap bilang Complaint-Affidavit, ngunit kalaunan ay itinuring na Petition for Disqualification. Ito ay isang special action case na may mahigpit na proseso at requirements.
Binasura umano ang petisyon dahil sa kakulangan ng mandatory requirements. Kabilang dito ang hindi pagsumite ng proof of payment ng docket fees, proof of service sa respondent, at Certificate of Candidacy ng mga inirereklamo.
Iginiit ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na awtomatikong nadidismiss ang kaso kapag hindi nabayaran ang filing fee, dahil dito lamang nagkakaroon ng hurisdiksyon ang ahensya.
Samantala, sinabi ni Aquino sa isang ambush interview na nagsampa siya ng disbarment case laban sa ilang opisyal ng COMELEC dahil sa umano’y paglabag sa kanyang due process at “ignorance of the law.” Ayon sa kanya, hindi siya naabisuhan tungkol sa filing fee na umaabot sa P10,000, bukod pa sa legal fees.
Sa huli, tiniyak ng COMELEC En Banc na patuloy silang sumusunod sa rule of law at due process, at tinitiyak ang patas at walang kinikilingang halalan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










