Discriminatory provision sa inaprubahang panukala na pagtataas sa ₱1,000 sa pension ng indigent senior citizens, ikinadismaya ng isang kongresista

Dismayado si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na may “discriminatory provision” na nanatili sa panukala na nagtataas sa pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa ₱1,000 kada buwan.

Bago magsara ang 18th Congress ay in-adopt ng Kamara ang bersyon ng Senado sa panukala para hindi na ito dumaan pa sa bicameral conference committee at diretso na ito sa mesa ng pangulo para tuluyang malagdaan at maisabatas.

Tinukoy ni Zarate ang probisyon na aniya’y diskriminasyon para sa mga matatanda.


Nakasaad sa panukala na bago maikunsiderang indigent senior citizen at ma-qualify sa social pension, ang isang mahirap na lolo at lola ay kailangang mahina, maysakit, o may kapansanan.

Ang probisyon na ito ay inalis na noong una sa bersyon ng Kamara na unang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa pero ito ay nakapaloob pa rin sa panukala ng Senado.

Pero dahil kinatigan ng Kamara ang senate version ay sinangayunan din ng Mababang Kapulungan ang nasabing discriminatory provision.

Giit ng kongresista, hindi na dapat lagyan ng ganitong requirement at kapag humantong sa edad na 60 taong gulang ang isang mahirap na senior ay dapat na pasok ito agad sa mabibigyan ng social pension.

Facebook Comments