Manila, Philippines – Sa nagpapatuloy ngayon ng ika-anim na pagdinig ng Senado ukol sa Dengvaxia ay nagpahayag ng pangamba si Committee on Health Chairman Senator JV Ejercito na magkaroon ng outbreak ng iba’t ibang sakit sa mga susunod na taon.
Ito ay dahil sa nawawalang tiwala ng publiko sa immunization program ng pamahalaan dahil sa naging problema sa Dengvaxia.
Sa pagdinig ay inamin ni Health Secretary Francisco Duque na bumaba sa 63% mula 73% ang immunization coverage sa region 9 pa lamang para sa mga sakit na measles at mumps.
Gayunpaman, binigyang diin ni Duque na walang dapat ikabahala dahil mayroon silang outbreak response program na titiyak na hindi magkakaroon ng epidemia sa bansa.
Ayon kay Duque, inatasan niya rin ang mga tauhan ng DOH, na huwag titigil at huwag susuko na ikampanya ang immunization program.
Kung kinakailangan aniya na maging makulit sila at magbahay-bahay sa panliligaw sa mga magulang para bakunahan ang kanilang mga anak ay kanilang gagawin.