Iginiit ni Senator Francis Tolentino sa Commission on Elections (COMELEC) na tiyaking marerehistro at makakaboto ang nasa 2 milyong mga Pinoy seafarer.
Hirit ng senador na agad aksyunan ng COMELEC ang posibleng disenfranchisement ng mga seafarer sa halalan ng bansa.
Sa budget hearing ng COMELEC, tinukoy ni Tolentino na ilan sa mga problema ng mga seafarer na hindi nakakaboto ay dahil natatapat minsan sa kanilang paglalayag ang araw ng botohan at hindi na sila nagkaroon ng pagkakataon na makarehistro sa overseas absentee voting.
Dapat aniya ay payagan pa rin silang makaboto dahil nakarehistro naman sila sa kani-kanilang mga barangay bago umalis ng Pilipinas.
Paliwanag naman ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, hangga’t hindi nagpaparehistro sa Overseas Absentee Voting ang isang seafarer ay ikokonsidera silang domestic voters.
Iminungkahi naman ni Tolentino na dapat payagan sa early voting ang mga seafarer subalit ayon kay Garcia, ito ay mangangailangan muna ng batas.
Sa kasalukuyan ay nasa 19,544 seafarer lang ang nakarehistro para sa Overseas Absentee Voting.