Pinaiimbestigahan ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Senator Jinggoy Estrada ang napaulat na disinformation campaign patungkol sa West Philippine Sea (WPS) na pinopondohan umano ng isang dayuhang bansa.
Inihain ni Estrada ang Senate Resolution 910 kung saan inataasan ang Senate Committee on Public Information and Mass Media na manguna sa imbestigasyon ‘in aid of legislation’ patungkol sa pagpapakalat ng fake news at mga maling impormasyon tungkol sa mga iligal na gawain at panghihimasok ng dayuhan sa karagatang sakop ng bansa.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga hakbang na ito ay nagpapahina sa makasaysayang tagumpay ng bansa sa Permanent Court of Arbitration.
Iginiit ni Estrada na dapat matukoy at masuri ang lawak ng makinarya ng nasa likod ng disinformation campaign upang makatulong sa pagbuo ng patakaran at paraan para mabigyang solusyon ang nasabing usapin at mabuwag ang network ng mga nagpapakalat ng mga walang batayan na impormasyon.
Tinukoy sa resolusyon na may ilang journalists ang nakatanggap ng email kung saan tinangka na ilihis ang atensyon ng publiko sa mga mararahas na aksyon ng China at sa halip ay itinuturo ang militarisasyon ng Vietnam sa WPS.
May mga online post din na tinukoy kung saan Pilipinas ang sinasabing unang nanggulo, at binabanatan din ang mga naging aksyon ng ating Philippine Coast Guard (PCG).