Direkta nang makikipag-usap sa mga rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang pamahalaan para sa usapang pangkapayapaan kung sakaling si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang magiging susunod na pangulo ng bansa.
Ipinaliwanag ito ni Lacson sa panayam ng anchor na si Karmina Constantino sa ANC nitong Martes. Ayon sa presidential candidate, mas praktikal ito kaysa makipag-usap pa kay CPP-NPA founder Jose Maria Sison na nananatili pa rin sa Netherlands.
“I suggested to localize the peace talks. Why? Because paikot-ikot lang ‘pag kausap si Joma Sison. So, mas praktikal na i-localize because hindi naman lahat ng probinsya [o] lahat ng bayan [ay] pare-pareho ang insurgency situation,” sabi ni Lacson.
“Walang mangyayari sa pakikipag-usap kay Joma kasi may agenda ‘yan, malevolent ‘yung agenda na para maka-buy ng time at the same time nag-bi-build up ng forces sa ground,” dagdag niya.
Tila nawalan na rin ng kontrol si Sison sa kanyang mga tauhan dahil bagama’t may umiiral na tigil-putukan ay nilalabag naman ito ng mga gerilyang grupo, ayon kay Lacson.
Naniniwala ang presidential bet ng Partido Reporma na mas epektibong paraan ito upang magkaroon na ng inaasam na kapayapaan at matapos ang ilang taon nang laban sa NPA.
“Kasi ganoon ang dapat i-pursue natin. Mas alam ng mga local government… And they adopted it ha. Kasi I suggested it to former Secretary (Jesus) Dureza and Secretary (Silvestre) Bello (III). Sila ‘yung nag-he-head ng panel doon sa The Hague,” aniya.