DISKWENTO CARAVAN NG DTI, TINANGKILIK NG MGA MAMIMILI

Nagtapos na ang inilunsad na diskwento caravan ng Department of Trade and Industry na tumagal ng halos pitong (7) araw mula December 9-15, 2022.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan kay DTI Isabela Consumer Protection Division (CPD) Chief Elmer Agorto, naging matagumpay aniya ang nasabing aktibidad dahil sa loob lamang ng isang linggo ay kumita na ang caravan ng nasa humigit kumulang P800,000.

Ilan sa pinaka patok at dinadagsa sa nasabing caravan ay ang mga murang halaga ng mga Noche Buena items katulad ng Spaghetti, Macaroni, Pampalasa, Creamer, at iba pa.

Nagbebenta rin ng ilang mga furniture sets, mini appliances ang ilang may ari ng stalls.

Ayon pa kay Ginoong Agorto, tatlong araw (3) lamang sana umano ang magaganap na caravan ngunit nang makita umano ng alkalde ng lungsod ng Santiago na si Mayor Sheena Tan na marami ang mamamayan ang natuwa sa mga diskwento ay nagdesisyon itong paabutin na lamang ng pitong (7) araw upang mas marami pa ang makinabang.

Tinatayang nasa 25 exhibitors, kabilang ang National Food and Authority (NFA), MSMEs at ilang mga kilalang supermarket ang nakilahok sa nasabing programa ng Department of Trade and Industry.

Facebook Comments