Manila, Philippines – Problemado ngayon ang mga state weathermen ng PAGASA Weather Bureau at mga science workers ng Department of Science and Technology (DOST).
Ito ay kasunod ng notice of disallowance ng Commission on Audit (COA).
Ipinababalik ng COA ang umano ay sobra-sobrang longevity pay na kanilang natanggap sa ilalim ng implementasyon ng Republic Act No. 8439 o ang Magna Carta para sa mga scientists, engineers, researchers at iba pang S&T personnel ng gobyerno.
Ayon kay Philippine Weathermen Employees Association President Ramon Agustin, hindi na mapakali ang PAGASA workforce sa kung paano maibabalik ang ipinasasauling allowance.
Sinabi ni Agustin na labing-limang taon nang natatanggap ng government science workers ang allowance base na rin sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas at umiiral na DOST Administrative Order No. 005 na epektibo noon pang taong 1999.
Malaking tulong aniya ang longevity pay sa kanilang hanay dahil sino-solusyunan nito ang isyu ng ‘brain drain’ sa science community ng Pilipinas at napipigilan ang pangingibang bansa ng mga tinatawag na seasoned weather forecasters ng ahensya.
Umapela naman ang pamunuan ng PAGASA sa COA at sinabing legal at regular ang ibinayad na allowance sa kanilang mga opisyal dahil dumadaan naman ito sa masusing auditing at walang intensyon ng misrepresentation sa kanilang panig.