Dismissal order ng IAS sa isang pulis opisyal sa Antipolo, dinoktor daw ayon kay Inspector General Triambulo

Maaaring dinoktor ang dismissal order ng PNP-Internal Affairs Service kay Lt. Joven De Guzman, ang pinuno ng 7 pulis sa Antipolo na pinasibak sa serbisyo dahil umano sa pagtatanim ng ebidensya sa isang drug raid sa Antipolo noong Mayo ng taong ito.

Alegasyon ito ni PNP Inspector General Alfegar Triambulo makaraang sabihin ni PNP OIC Lt. Gen Archie Gamboa na ibabalik niya ang kaso ni Lt. De Guzman sa IAS para sampahan ng mas mabigat na kaso.

Paliwanag ni Gamboa, siya mismo ang nagbago ng dismissal order ng IAS para kay De Guzman dahil base sa mga dokumentong isinumite ng IAS, less grave offense lang ang kaso ni De Guzman na suspensyon lang ang dapat na kaparusahan.


Pero giit naman ni Triambulo, pare-pareho ang kinaso nila sa lahat ng 7 pulis na sangkot sa maanomalyang drug raid sa Antipolo, at silang lahat kasama ang hepe nilang si De Guzman ay guilty sa grave misconduct at conduct unbecoming of a Police Officer, na dismissal ang kaparusahan.

Kaya nagtataka si Triambulo bakit ibabalik ni Gamboa ang kaso ni de Guzman sa kanila para kasuhan ng mas mabigat na kaso.

Nilinaw naman ni Triambulo na naniniwala siyang “in good faith” ang ginawa ni Gamboa, at maaaring na-doktor ang mga papel na isinumite ng IAS sa PNP Directorate for Personnel Records and Management o DPRM bago ito iniakyat kay Gamboa para pirmahan.

Facebook Comments