Dismissal para sa killer cop na si Jonel Nuezca, inirekomenda ng PNP-IAS

Inirekomenda ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP-IAS) ang dismissal mula sa serbisyo ni Staff Sergeant Jonel Nuezca, ang pulis na nag-viral matapos ang walang awang pagpaslang sa mag-iina sa Paniqui, Tarlac.

Ayon kay IAS Inspector General Alfegar Triambulo, nakapagsumite na sila ng resolusyon hinggil sa administrative cases na isinampa laban kay Nuezca sa office of the Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Paliwanag ni Triambulo, si NCRPO Chief Brigadier General Vicente Danao ang may disciplinary power kay Nuezca kabilang ang pag-dismiss sa kanya sa serbisyo.


Sinabi ni Triambulo, inamin mismo ni Nuezca sa kanyang position paper na binaril niya ang 52-anyos na si Sonya Gregorio at kanyang 25-anyos na anak si Frank Anthony.

Si Nuezca ay sinampahan ng kasong administratibo kabilang ang grave misconduct.

Samantala, naghain si Nuezca ng ‘not guilty’ plea sa dalawang counts ng murder na isinampa laban sa kanya habang nasa arraignment at pre-trial ng kaso sa sala ni Judge Stella Marie Gandia-Asuncion ng Paniqui Regional Trial Court Branch 106.

Ang susunod na hearing ng kaso ay sa February 4.

Facebook Comments