Manila, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema ang inihaing petisyon ni COMELEC Commissioner Maria Rowena Guanzon para patanggalan ng lisensiya ang isang nakalaban nitong abogado.
September 2007 nang ihain ni Guanzon na noon ay pribadong abogado ang reklamong paglabag sa Code of Professional Responsibility and The Rules of Court laban kay Atty. Joel Dojillo.
Sa desisyon ng Supreme Court 2nd Division, lumalabas na walang nakitang merito ang reklamo ni Guanzon.
Kinatigan ng Korte Suprema ang resulta ng imbestigasyon ng Integrated Bar of the Philippines Commission on Bar Discipline na walang ginawang paglabag si Atty. Dojillo taliwas sa akusasyon ni Atty. Guanzon.
Sa desisyon pa ng korte, binigyang diin ng hukuman na nararapat ding proteksyunan ang isang abogado mula sa maling paratang at ginagawa lamang ang tungkulin para sa kliyente nito.
Nag-ugat ang disbarment case na isinampa ng ngayon ay si Commissioner Guanzon sa pagsusumite ni Atty. Dojillo ng mga dokumento sa mababang hukuman ukol sa relasyon ni Atty. Guanzon sa isang babae na kliyente nito at asawa naman ng kliyente ni Atty. Dojillo.