DISPUTED AREA | DND isusulong na maging sakop ng MDT ang mga okupadong isla sa WPS

Isusulong ng Department of Defense (DND) na mapabilang sa saklaw ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ang mga okupadong isla ng Pilipinas sa West Philippines Sea.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasabay ng paglilinaw na sa ilalim ng kasalukuyang treaty ay hindi kasama ang Kalayaan Group of Islands na dedepensahan ng Estados Unidos.

Paliwanag ni Lorenzana, ito ay dahil sa ilalim ng kasalukuyang Mutual Defense Treaty o MDT obligadong sumaklolo ang US kapag ang inatake ay ang “Metropolitan Philippines” lang o yung kasalukuyang teritoryo ng Pilipinas.


Dahil aniya nasa “disputed area” sa West Philippine Sea ang Kalayaan Islands, pasok ito sa sinasabi ng US na hindi ito makikialam sa mga territorial disputes.

Kaya naman, sinabi ni Lorenzana na ire-review ng DND ang MDT at makikipag-usap sa US para dito, para mas lalong mapalakas ito.

Nasa kapwa interes aniya ng Pilipinas at Estados Unidos na mapalakas ang kanilang alyansa, lalo pa at ang Estados Unidos ang nag-iisang kaalyado ng Pilipinas.

Facebook Comments