Disqualification case laban kay BBM, dapat nang tuldukan ng Comelec – Atty. Cayosa

“Bilis-bilisan.”

Ito ang panawagan ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Domingo “Egon” Cayosa sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng paglalabas ng desisyon sa disqualification case ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ay sakaling i-apela pa ng mga petitioner sa Comelec en banc ang pagbasura ng Comelec first division sa disqualification case ni Marcos.


Ayon kay Cayosa, kung gugustuhin ng poll body ay mabilis naman itong madedesisyunan dahil malinaw namang nakalatag ang lahat ng argumento ukol sa petisyon.

“Hindi na bago ang kasong ito e, matagal na itong pinag-uusapan. It is only a question of law. Halos lahat naman ng facts ay admitted by both parties so wala nang reason na bagalan pa nila. Huwag na sanang i-dribble ‘yan, desisyunan na agad,” giit ni Cayosa.

Dagdag pa ni Cayosa, hindi na dapat patagalin ang kaso lalo’t panahon na ng kampanya at mga kandidato pa sa pagkapangulo ang sangkot sa isyu.

“Dapat bilisan nila at dapat sundin nila ang kanilang sariling internal rules kasi special case ito e,” aniya.

“Kung anuman ang desisyon ng Comelec en banc, maaari din itong i-apela ng agrabyadong partido sa Supreme Court. So, ganon po ang proseso. Pero ang ating panawagan palagi, bilis-bilisan nilang magdesisyon para mabigyan na ng tuldok ito para yung ating mga mamamayan, makapili nang maayos hindi yung kanya-kanyang haka-haka, kanya-kanyang alegasyon…‘Wag nating ilagay sa alanganin ang ating mga botante,” apela ng abogado.

Facebook Comments