Distribusyon ng educational assistance ng DSWD, gagawin na kada bayan o lungsod

Makikipagtulungan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa distribusyon ng educational assistance makaraang dumugin at magkagulo sa mga opisina ng ahensya ang mga magulang at estudyanteng kukuha sana ng ayuda noong Sabado.

Sa panayam ng RMN DZXL 558, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na ibababa na nila sa mga Local Government Unit (LGU) ang pamamahagi ng ayuda.

“Ang tanong po ng pangulo, ‘Bakit nagkaganon?’ Sabi ko, ‘Sir, dinagsa po tayo.’ Sabi niya, ‘Bakit, dumami ba ang nangangailangan?’ Sabi ko, ‘Sir, binuksan po natin sa lahat. Dati po kasi Sir pili lang.’ So, sabi niya, ‘I-coordinate mo sa DILG at mag-usap kayo,” ani Tulfo.


“Kahapon nga rin po ay nag-usap na kami ni Secretary Benjur. Gagawin ho namin ay bawat lungsod at bayan po. Hindi naman po pwede sa mga munisipyo, sa mga city hall kundi hahanap po ang mga mayor ng convenient na lugar at maluwag na pwedeng magpunta ang kanilang kababayan. So ang gagawin ho namin ay bayan-bayan ho ito,” dagdag niya.

Pero paglilinaw ng kalihim, mga tauhan pa rin ng DSWD ang mamamahala sa pamimigay ng tulong.

Magiging papel lamang dito ng mga LGU ang paghahanap ng lugar kung saan maaaring gawin ang distribusyon ng educational assistance at ang pag-aanunsyo nito sa kanilang mga residente.

“Magkakaroon po kami ng memorandum signing sa Lunes po at sa Wednesday po ay ang mga mayor po ay i-inform na at maghahanap ng puwesto. And then by Friday ng hapon pupunta na po yung mga tauhan namin sa mga bayan-bayan at lungsod dahil sila ang mag-a-assist Sir. Ang pay out lamang ay ang mga taga-munisipyo at city hall para maiwasan natin yung sinasabing pinipili, binibigyang priority lamang e yung mga kaanak,” paliwanag pa ng kalihim.

Nilinaw din ni Tulfo na hindi nila pwedeng gawing bara-barangay ang pamamahagi ng tulong dahil kulang sila sa tauhan.

“Ilalatag din ho natin yan sa DILG kung pwede sa barangay. Ang problema po kasi Sir… hindi po namin kakayani, we don’t have enough strength o manpower kung bawat barangay. Kailangan po kasi may presence ng DSWD para maiwasan yung sinasabing namimili, inuna ni kapitan yung kamag-anak,” aniya pa.

Muli namang humingi ng paumanhin si Tulfo sa nangyaring gulo sa distribusyon ng educational assistance nitong Sabado.

Pagtitiyak niya, may sapat na pondo ang ahensya para mabigyan ng tulong ang lahat ng benepisyaryo.

Sa ngayon, sapat para sa kalihim ang anim na Sabado para matapos ang pamamahagi ng tulong pero aniya, bukas siyang palawigin ito kung kakailanganin.

Facebook Comments