Umapela si House Minority Leader Joseph Stephen Paduano sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspindihin muna ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga transport sector.
Nabunyag sa pagdinig ng House Committee on Transportation na malaking problema sa pamamahagi ng fuel subsidy ay hindi matukoy ang mga actual beneficiary at hindi nakakarating sa mga jeepney driver ang benepisyo dahil sa nangyayaring bentahan ng prangkisa sa pagitan ng mga operator.
Apela ni Paduano sa LTFRB na itigil muna ang distribusyon ng fuel subsidy hanggat hindi nareresolba ang isyu.
Inirekomenda ng minority leader na dapat manggaling sa transport sector and association ang original at official list ng mga kasalukuyang operators.
Ipinaaayos din ang mga requirements tulad ng drivers’ license, OR/CR, at franchises.
Ang mga bagong may hawak naman ng prangkisa ay pinabibigyan ng isa o dalawang araw para maisaayos ang record ng paglilipat ng prangkisa.
Iminungkahi rin na huwag gawing “cashable” ang pantawid pasada card na ang mga operator ang may hawak upang maiwasan ang isyu na kinukuha ng mga operator ang cash aid at hindi na nakakarating sa mga driver.
Paliwanag ng kongresista, mababalewala ang ‘purpose’ o layunin ng pagbibigay ng tulong sa transport sector kung hindi pala nakakaabot sa mga driver ang tulong ng pamahalaan.