Sisimulan na ngayong linggo ang distribusyon ng indemnification pay para sa mga hog raiser na apektado ng African Swine Fever (ASF) sa lambak ng Cagayan.
Ayon kay Department of Agriculture Regional Executive Director Narciso Edillo, dumating na ang hinihintay na P8-million mula sa DA Central Office at Department of Budget and Management (DBM) para sa mga hindi nabayaran sa first wave ng ASF.
Nakikipag-ugnayan na ang DA field office sa mga apektadong lokal na pamahalaan para sa kanilang koordinasyon sa mga benepisyaryo.
Idinagdag ni Edillo na bumababa na ang naitatalang kaso sa second wave ng ASF sa nagdaang mga araw.
Gayunman, hinihikayat ni Edillo ang publiko na maging maingat pa rin upang tuloy-tuloy nang mawala ang nasabing sakit.
Maliban sa isang kaso sa Nueva Vizcaya, wala nang natanggap na ulat ng infestation ng ASF lalo na sa Isabela na talagang naapektuhan.
Nasa 39 na munisipalidad ang labis na naapektuhan sa second wave ng ASF.