Tuesday, March 24, 2026

Distribusyon ng P10K fuel subsidy sa mga bus operator sa PITX, nagsimula na

Nagsimula na ang pamamahagi ng fuel subsidy sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa mga bus operator bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nanguna sa pamamahagi ng ayuda ngayong umaga, kasama sina Transportation Secretary Giovanni Lopez at DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Batay sa datos ng Department of Transportation (DOTr), 27 bus operator na may kabuuang 1,096 bus unit ang makatatanggap ng tig-P10,000 subsidy bawat unit.

Umabot naman sa 170 operator ang dumalo sa payout.

Kasunod ito ng naunang pamamahagi ng tulong sa mga tricycle driver sa NCR noong nakaraang linggo sa Sta. Ana, Maynila.

Ngayong araw, target ding mabigyan ng subsidy ang mas marami pang tsuper, kabilang ang mga nagmamaneho ng jeep, UV Express, at iba pang public utility vehicle (PUV).

Layunin ng presensya ng Pangulo na tiyakin ang maayos na implementasyon ng programa at ipadama sa mga tsuper na may agarang aksyon at suporta ang pamahalaan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo.

Facebook Comments