Distribution system template, pinabubuo ng isang kongresista para sa pamamahagi ng ayuda

Hiniling ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa Inter-Agency Task Force (IATF) na bumuo ng isang distribution system template para sa pamamahagi ng ayuda ngayong may pandemya.

Kasabay nito ang pagkadismaya ng kongresista sa ilang mga Local Government Units (LGUs) dahil wala pa ring maayos na sistema sa pamimigay ng ayuda lalo na sa pinakahuling pamamahagi ng ₱1,000 na ayuda sa mga pamilyang apektado ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR plus.

Sinabi ni Ong na hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pamamahagi ng financial assistance ngunit tila pahirapan pa rin ang pagkuha nito para sa mga residente.


Partikular na pinuna ng mambabatas ang mahabang pila ng mga kukuha ng ayuda kung saan ilan sa mga ito ay senior citizen at mula sa vulnerable sector.

Dahil dito ay umaapela si Ong sa IATF na magkasa na ng sistema sa pamamahagi ng cash aid na siya namang i-a-adopt ng mga LGUs, government agencies kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matiyak na ligtas ang mamamayan at maiiwasan ang pagkalat ng virus.

Kinalampag din ni Ong ang IATF na tiyaking mapapatawan ng disciplinary actions ang mga government officials na mapatutunayang lumabag sa health and safety protocols at nagpahirap sa mga constituents sa pagkuha ng ayuda.

Facebook Comments