NAGPALABAS ang Office of Building Official ng Bacolod City ng 1st Notice of Violation laban sa DITO Telecommunity Corporation dahil sa umano’y illegal construction ng cell site sa Purok Himaya, Barangay Alijis sa naturang lungsod.
Sa nasabing notice na inisyu noong Pebero 16, 2021, sinabi ni Engr. Nestor Velez, acting department head ng Office of Building Official, na lumabag ang DITO, ang third telco player ng bansa, sa Section 301 ng Presidential Decree 1096 o ang National Building Code of the Philippines.
Nakasaad sa Section 301 ng National Building Code na, “No person, firm or corporation, including any agency or instrumentality of the government shall erect, construct, alter, repair, move, convert or demolish any building or structure or cause the same to be done without first obtaining a building permit therefor from the Building Official assigned in the place where the subject building is located or the building work is to be done.” Ang mga opisyal o kinatawan ng DITO ay binigyan ng tatlong araw para makipag-ugnayan sa naturang tanggapan at inatasan na agad na ihinto ang pagtatayo ng cell site sa nasabing lugar.
Nauna nang inalmahan ng mga residente sa Purok Himaya, Brgy. Alijis ang konstruksiyon ng cell site ng DITO sa kanilang lugar. Sa isang liham na isinumite sa Sangguniang Panlungsod ng Bacolod, at naka-address kina Vice Mayor El Cid Familiaran at Councilor Archie Baribar, chairman ng SP Committee on Communications, hiniling ng mga residente ang pagpapatigil sa konstruksiyon ng cell site.
Ayon sa mga complainant, maging ang mga residente sa kalapit na Purok Paghigugma ay hindi sang-ayon sa komstruksiyon.
Anila, isang resolution ang ipinasa ng kanilang purok council noong Hulyo ng nakaraang taon laban sa pagtatayo ng cell site na may pirma ng 61 residente kaya nagtataka sila kung bakit natuloy ang konstruksiyon.
Sa purok resolution ay sinabi ng mga opisyal na nais nilang protektahan ang kanilang komunidad.