DITO Telecommunity Corp., hinamon ng Kamara na kuhain ang 30% ng market ng mobile internet service sa bansa

Hinamon ni Local Government Committee Vice Chairman at Makati City Rep. Luis Campos Jr., ang DITO Telecommunity Corp., na kunin ang 30% ng market ng mobile internet services.

Ang hamon ng kongresista sa DITO ay kasunod ng paglulunsad ng commercial operations nito sa darating na Marso.

Giit ni Campos, sa loob ng 24 hanggang 36 na buwan ay dapat makuha ng DITO ang 30% ng mobile internet market upang mapalakas ang kompetisyon sa pagitan ng mga major telecommunication players.


Paliwanag ng kongresista, hindi pinayagan ng pamahalaan ang third major telco na mag-operate sa bansa para sa huli ay maging minor player lamang na may marginal market share na 10 hanggang 15 percent.

Umaasa si Campos na sa pag-arangkada ng DITO ngayong taon ay magiging hudyat ito ng mas malakas at highly dynamic na telecommunications market dahil magpapagalingan ang tatlong malalaking players sa bansa sa pagbibigay ng serbisyo sa kanilang mga consumers.

Kung ganito aniya ang mangyayari ay hindi malayong matulad ang Pilipinas sa Thailand na may world-class internet speeds kung saan pumangalawa ito sa Singapore sa may pinakamabilis na internet sa Southeast Asia.

Facebook Comments