
Nagsanib-pwersa ang mga diver ng Hundred Islands National Park–Protected Area Management Board (HINP-PAMB) sa pagsasagawa ng malawakang paglilinis sa loob at paligid ng Hundred Islands National Park upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng isa sa mga pangunahing tourist destination sa Pangasinan.
Mula sa mga coastal areas hanggang sa ilalim ng katubigan sa iba’t ibang isla, isinagawa ng mga diver ang roving cleanup kung saan isa-isang inalis ang mga basurang naanod at naiwan sa dagat at baybayin.
Kabilang sa mga nakolekta ang mga plastic waste at iba pang debris na maaaring makapinsala sa yamang-dagat at sa mga coral reef sa loob ng parke.
Bukod sa underwater at shoreline cleanup, isinabay din ng mga diver ang inspeksyon at maintenance ng water pipeline sa mga isla.
Layunin nito na matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na suplay ng tubig para sa mga turista, mga kawani, at mga nagbabantay sa loob ng Hundred Islands National Park.
Ayon sa pamunuan ng parke, mahalaga ang regular na ganitong gawain upang maprotektahan ang marine ecosystem at mapanatili ang kaayusan ng pasilidad, lalo na sa patuloy na pagdami ng mga bumibisita sa lugar.
Patuloy namang hinihikayat ang mga turista at stakeholder na makiisa sa pangangalaga ng Hundred Islands National Park sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng basura at pagsunod sa mga patakaran, upang mapanatiling malinis at ligtas ang parke. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









