Sa unang pagkakataon ay masusing tinalakay ngayon ng senate committee on women, children, family relations and gender equality ang panukala na ipatupad ang diborsyo sa Pilipinas.
Ayon kay Committee Chairperson Senator Risa Hontiveros, mahalaga ang diborsyo lalo na sa napakaraming kababaihang biktima ng domestic violence at psychological abuse.
Giit ni Hontiveros ang Divorce Bill ay pro-marriage, pro-family at pro-children.
Sa senate hearing ay ilang resouce person ang nagbahagi kanilang mapait na karanasan sa kanilang buhay may-asawa.
Isa dito si ginang Len na napaiyak habang sinasariwa ang tiniis niyang pambabae ng kanyang mister, pananakit sa kanya at sa kanyang mga anak at hindi pagsusustento.
Kwento naman ni ginang Stella Sibonga, humantong na sya sa tangkang pagpapakamatay para takasan ang matinding pang-aabuso ng mister.
Mayroon ding seaman na nagbahagi ng biglaang pag-ayaw sa kanya ng misis habang sya ay malayo at nagtatrabaho sa barko.
Ginawa daw niya ang lahat para isalba ng kanilang pagsasama pero talagang hindi na ubra at hindi naman nila maavail ang annulment dahil napakalaki ng kailangang gastusin.
Pagtiyak ni Hontiveros, magiging patas ang kanyang pagdinig at lahat ng panig kaugnay sa panukalang diborsyo ay ikokonsidera.