Diyaryo sa UK, humingi ng paumanhin sa obitwaryo ng lalaking buhay pa

Humingi ng tawad ang isang pahayagan sa United Kingdom matapos maglabas ng obitwaryo para sa isang lalaki, na lingid sa kanilang kaalaman, ay buhay pa pala.

Ibinalita ng The Northern Echo, news agency sa North East England, ang umano’y pagkamatay ng isang Charlie Donaghy na inilarawan nilang masugid na tagasuporta ng grassroots sports sa County Durham.

Ayon sa pahayagan, kinumpirma nila ang balita sa tatlong magkakaibang tao.


Ngunit nito lamang Nob. 10 sa isang Facebook post, nilinaw ni Ian Donaghy, anak ng napabalitang yumao, na buhay pa ang kanyang tatay.

“To everyone offering condolences about my Dad Charlie! He’s NOT died! This is NOT true… God knows where its come from but he’s alive and well,” saad ng batang Donaghy sa post.

“Dear Northern Echo, you are going to have a very bad day tomorrow! You can’t unhear or unread that your Dad’s dead!” pagpapatuloy ni Ian sa hiwalay na post kalakip ang screenshots ng inilabas na obitwaryo.

Naglabas naman ng pahayag ang diyaryo sa sumunod na araw na inaako ang pagkakamali at humihingi ng paumanhin sa naidulot ng balita sa pamilya Donaghy.

“We apologize unreservedly for our mistake, and for any understandable distress and devastation that was caused to Mr. Donaghy, his family, and friends,” anila.

Isinama rin dito ng Echo ang naging pahayag ng pamilya Donaghy.

“We are devastated by the inaccuracy of this report. This has caused immeasurable distress for my sister as well to many of Dad’s friends and supporters over the years,” anang pamilya.

“To allow this to be released onto the internet without checking with our family is unforgivable. Please ensure this never happens to anyone else again as you cannot unhear or unread that your father is dead,” dagdag nila.

Facebook Comments