Monday, March 2, 2026

DMW, aalalayan ang mga Pinoy na nais nang umuwi sa Pilipinas bunsod ng nagpapatuloy na digmaan sa Middle East

Tiniyak ng Department of Migrant Workers o DMW na kanilang aalalayan ang mga Pinoy na naiipit ngayon sa kaguluhan sa Middle East na nais nang umuwi sa Pilipinas.

Kasunod na rin ito ng natanggap ng embahada ng Pilipinas sa Israel na nasa 52 request for repatriation o hiling na makalikas matapos ang pamomomba ng Estados Unidos at Israel sa Iran.

Sinabi ni Felicitas Bay, DMW Undersecretary for Foreign Employment and Welfare Services, tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa isasagawang repatriation.

Aminado itong masalimuot ang sitwasyon sa Gitnang Silangan para sa mga Pinoy lalo na’t papalo sa dalawang milyon ang nagtatrabaho sa Middle East countries.

Kaya ang payo nito sa mga Pinoy na apektado ng kaguluhan sa Gitnang Silangan na sumunod sa mga regulasyon sa mga bansa kung saan sila naroroon para makaiwas sa kaguluhan.

Mainam din aniyang manatili sa loob ng kanilang mga tinitirhang bahay kapag wala naman silang mahalagang pupuntahan.

Inaantabayanan din ng DMW ang posibleng pagtaas ng alert level 4 sa mga bansang sakop ng Middle East para sa mandatory repatriation.

Posible namang itaas ng DFA sa Alert Level 3 o voluntary repatriation sa Iran matapos ilagay ito sa alert level 2 noong July 2025.

Sa datos ng DFA nasa 800 na Pilipino ang nagtatrabaho ngayon sa Iran at 31,000 naman sa Israel.

Facebook Comments