
Blangko ang Department of Migrant Workers (DMW) kung saan dinala ang 20 Filipino seafarers na sakay ng cargo vessel na nahulihan ng tone-toneladang suspected cocaine sa South Korea.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, hindi siya magtataka kung wala na sa barko ang Pinoy seaferers dahil tiyak aniyang isasailalim ang mga ito sa imbestigasyon.
Tiniyak naman ni Cacdac na tinutulungan na ng DMW ang pamilya ng mga Pinoy.
Magde-deploy din aniya sila ng DMW ng abogado na tutulong sa Pinoy seafarers.
Nabatid na mahigit 50 kahon ng suspected cocaine ang nakuha sa barko kung saan ito ay may timbang na dalawang tonelada.
Sinasabing nakalagay ang iligal na droga sa tagong compartment ng engine room ng M/V Lunita.
Mismong US Federal Bureau of Investigation (FBI) and Homeland Security Investigations ang nagtimbre sa South Korean authorities kaugnay ng kontrabandong lulan ng barko.